Sunday, December 10, 2006

hahaha..i know i should be sleeping na

O madaling araw na. Gising ka pa?, Naiwan ang isipang lumulutang sa hangin, tila hindi na mapawi ang pagmumuni-muni ukol sa mga bagay-bagay na hindi na kayang pabalikin. Ilang mga katanungan, pilit hinahanap ang kasagutan, iginuhit ang isang pangalan sa hangin. Ang hangin na lamang ang nakakaalam ng mga sikretong nais nang ibunyag ngunit isang salita mula sa aking bibig ay aking ikakamamatay. Pinagmasdan ang aking sarili sa salamin, tinanong ang aking sarili, kailan na nga ba nang huli kitang nakitang nakangiti? Kailan ang huling dampi ng halik sa iyong mga pisngi? Naalala mo pa ba ang kahapon nang kayo’y magkatabi? Noong gabing iyon na pilit mong ginigising ang sarili mo sa kasalukuyan. Kailan na nga ba ang huling hawak sa iyong mga kamay? Ang huling haplos niya sa nalalamigan mong katawan? Kailan na nga ba natapos ang lahat? Tila ang katapusan ay siya rin simula ng bago mong buhay!

Nakatulala sa kama na minsa’y kanyang nalapitan, napatingala sa kisame. Bakit ka pa gising? Sino ang iyong hinihintay? Sino ang iyong iniisip? Mga alaala ay iyong kalimutan dahil kahit kailan ito’y hindi na mababalikan. Napahiga sa malalambot na unan na unti-unting nalulunod sa mapapait na gunita – natitikman ang kaalatan ng mga sandaling akala mo’y magtatagal.

Bakit pa ako gising? Sino ang aking iniisip? Hindi na maintindihan ang mga ideyang lumalaban sa aking puso’t isipan. Alas dos na ng umaga, at maliwanag pa rin ang sindi ng aking ilaw. Ayan na, paparating na ang katotohan. Lumabas na sa kabilang kwarto, ang katotohanang pumipilit sa aking matulog – kalimutan ang nakaraan at salubungin ang kinabukasan na nag-iintay sa akin.

Ang katotohanang pumapalibot sa isipan ng aking mga iginagalang, tila sila nga ba ay tama? Dapat ko na nga ba kalimutan ang aking sarili? Gising pa ako. Pilit ko nang pinapatulog ang aking damdamin, balang araw ika’y makakalimot at ako’y isang imahe na lamang ng iyong pagkabigo ang pagkasaya. At ikaw ay isang imahe ng aking pagkatuklas sa salitang pagmamahal, tila pagmamahal nga ba?.

Ayan na, paparating na – kailangan ko nang matulog.

No comments: